NGAYON lang ako aamin. Wala pa talaga akong napapanood na Best Picture ng Oscar Awards. Hindi dahil ayoko kundi marahil hindi ko pa hilig ang Oscar noon at mas malamang sa hindi, wala ako noong diwa tungkol dito. Ang alam ko lang, prestihiyoso ang nasabing award-giving body. Until I had watched Slumdog Millionaire. Sobrang na-curios ako. Nagtaka sa mga bida ng pelikula. American English ang titulo pero Indyano ang mga aktor. Bigla tuloy pumasok sa isip ko ang Brokeback Mountain. Chinese ang direktor pero Amerikano lahat ang aktor.
At kahit hindi pa man naipalabas sa sinehan ang Slumdog Millionaire ay nagkalat na ito sa mga bangketa na sinamantala ko na. Iyon nga, DVD copy at in fairness maganda ang kopya. Kumpleto. Mula sa sinopsis ay nagkaroon na ako ng ideya sa istorya. Love-story ang pinupunto ng pelikula. Sawa na ako sa mga love stories. Talamak yan sa pelikulang Pilipino. Pero may kung anong anggulo ang Slumdog na sa tingin ko ay naging kakaiba sa lahat. Ang tila million dollar question na: Paano niya makukuha ang pag-ibig ng babaing minamahal niya sa pamamagitan ng paglalaro sa Who Wants to Be a Millionaire? At doon umahon ang kuryusidad ko. Sabi ko pa nga, inibang timpla ng love story.
Madaling-araw. Kulang-kulang dalawang oras kong tinutukan ang pelikula. At ang resulta? Tsk. Tsk. Tsk. Napamura ako! Hindi dahil sa anupamang kadahilanan kundi dahil sa NATATANGI AT TUNAY NA KALIDAD ang nasabing pelikula.
Nagulat ako sa mga eksenang ipinakita. Ang isang bahagi ng India. Ang marungis at pangit na bahagi nila. Ang buhay squatter. Sindikato. At pakikipagsapalaran ng mga batang naulila at kailangang mabuhay sa komunidad na kingagalawan nila. Iyon. Iyon ang tumatak sa akin. Nagulat ako na ganoon katapang ang pelikula na ipakita ang mga bagay na hindi kailangang idaan sa maraming salita. Sapat ang mga kilos. Ang isang linya. Sapat ang mga galaw kung paanong hahantong sila sa mga kumplikadong sitwasyon.
Ang magkapatid na Salim at Jamal. Ang kwento nila'y repleksyon ng mga bata at mga taong kailangang kumapit sa patalim. Hindi dahil ninais nila simula pagkabata kundi dahil dulot ng mga sitwasyon sa buhay nila na kailangan nilang magdesisyon ng madalian. Silang mga kapos ng edukasyon at tanging alam lamang pakinggan ay usig at kalam ng tiyan.
At ang pagpasok nila sa mga kumplikadong sitwasyon ang nagdala sa akin sa kakaibang mundo't isipang hindi na lang pelikula ang aking pinapanood kundi ang TOTOONG BUHAY ng mga taong sangkot at isinabuhay nila.
Maraming Pros and Cons ang pelikula. At ito ang bumuhay sa istorya. Mga mensaheng pinalutang sa magkapatid na Jamal at Salim. Si Jamal na tila sa kabila ng lahat ng kasamaang at masamang gawi na ipinamulat ng lipunan ay masasabi mo pa ring siya'y isang mangmang. Na kulang ang pagkamulat sa kanya. Na mababaw lamang ang pagtingin niya sa lahat. Si Salim naman ang kinakitaan ng pagkamulat at tuluyang pagkalubog sa mga sitwasyong kinasangkutan nila. Si Jamal na ang tanging nais lamang ay mahanap at makapiling si Latika, ang babaing bumuo ng kanyang pagkatao, pag-ibig at pangarap. Iyon lamang. Si Salim na ang tanging hangarin ay pera at kapangyariihan.
Ang paglalagay ng milieu ng isang sikat na game show ay nakadagdag sa anghang ng pelikula. Dahil ang mga sagot sa bawat tanong kay Jamal ay naging bahagi na ng buhay niya. Tanong nga sa umpisa ng pelikula kung paanong nanalo ng milyon si Jamal at ang sagot sa pagtatapos ay: IT IS WRITTEN. Hindi siya genius. Hindi siya ang pinakamatalinong tao sa buong mundo. Buhay ang nagturo sa kanya lahat ng sagot. Ang kanyang sariling buhay. Masasabing sa kabila ng mga pangyayaring nagdala sa kanya sa mundo ng pagnanakaw, panloloko at pandaraya'y iyon pala ang magiging daan upang maipanalo niya ang isang game show. Isang game show na wala siyang ninakaw, niloko at dinaya subalit iyon ang inihusga sa kanya. Ngunit sa huli'y nangibabaw ang katotohanan. Ang katotohanang life is not always been unfair. Kung unfair man ngayon, maniwala ka iyan ang magdadala sa iyo sa isang patas na laban.
May mga butas din naman ang pelikula. Ang puntong pilit ipinasok ang anggulong love story upang maging commercialize ang pelikula. Subalit sa kabuuan halos hindi mo na mapapansin ang love story na un. Kundi naisip kong parte naman talaga siya ng buhay. Na may mga bagay at desisyon sa buhay natin na ginagawa talaga natin out of love. Hindi lang sa opposite o same sex. Kundi maging sa mga mahal talaga natin sa buhay, Ang pamilya. Kaya nga ba, kahit gusto kong kamuhian si Salim ay hindi ko pa din nagawa. Kasi nangibabaw ang pagmamahal niya kay Jamal, Sa kanyang kapatid. Ang mga sakripisyo niya. Mga pagbuwis at pagkapit sa patalim ang siyang naging daan upang manatiling buhay silang magkapatid. Bida-kontrabida ang dating ni Salim.
Isa pa'y ang tila walang pakialam at realisasyon ni Jamal sa lahat ng buting ginawa ng kapatid na si Salim. Na mas mahalaga sa kanyang makuha ang babaing minamahal kaysa maiahon ang kapatid sa lusak. Na sa ending ng kwento walang closure kung paano niyang tinanggap ang pagpapakamatay ng kapatid na kung tutuusin sa buong tinakbo ng pelikula ay 75% niyon ay kwento nilang magkapataid. Subalit ang ending, si Jamal at si Latika ang mas binigyan ng prayoridad.
Bagaman may mga butas, hindi ko pa rin maisasantabi ang husay ng pelikula. Ang paraan kung paano nila pinatakbo ang buhay ni Jamal sa mga mata naming manonood. Kung paanong naglaro sa isip ko at sa puso ko ang mga emosyong tunay na humaplos sa akin saka nagpaiyak. Tunay nga, ang pelikulang Slumdog Millionaire ay isang bilyong halagang katumbas matapos mong panoorin.. Nakakapukaw ng diwa at kamalayang, ang buhay natin ay hindi pulos pandaraya at panloloko upang makuha natin ang ating mga pangarap. Sa ganang pagdating ng hindi inaasahang magandang oportunidad bagaman akusahan man tayong mandaraya ay mangingibabaw pa din ang katotohanang, kapalaran ang naghatid sa atin ng isang malaking biyaya. Kapalarang hindi ibang tao ang gumawa at nagdikta, instrumeto lamang sila kundi ikaw pa rin mismo, tayo mismo sa ating mga sarili, desisyon at pananaw na siyang magtatakda at magdadala sa atin sa dulo ng tulay.
END.